Akala ko dati higante ang tatay ko
Walang kwenta sa kanya ang mga
unanong basketball player sa loob ng telebisyon
Isa ang tatay ko sa mga pinakamatangkad na tao sa mundo
Dahil naaabot niya ang mga dahon ng mataas na malunggay
Nalulula ako pag pinapasan niya ako sa mga balikat niya
At kailangan ko pang tumingala para makita ang mukha niya
'Di naglaon, nalaman ko na mali pala ako
Lumipas ang mga taon at mas matangkad na ako sa papa ko
Noon akala ko ang tatay ko ang pinakamatalinong tao sa mundo
Walang sinabi sa kanya ang mga henyo't sayantipiko
Maning-mani lang niya ang iba't ibang bugtong, puzzle at crosswords,
mapa-ingles man o tagalog
Wala siyang hindi alam na solusyon sa bawat tanong ko
Lahat ng biro niya nage-gets ko,
Mataas kasi ang lebel ng IQ namin ng tatay ko
Pero nagdaan ang mga taon, nalaman ko na
hindi pala lahat ng problema at tanong ay may solusyon,
Hindi rin pala lahat kayang sagutan ng papa ko
Dati ang akala ko, ang tatay ko ay isang superhero
Walang sinuman, kahit si Superman, ang sa kanya'y makakatalo
Dahil ang tatay ko ay kayang dikdikin ang bato at kayang mag paalis ng bagyo
At kaya niya ding basahin ang isip ko,
Alam niya pag nagsisinungaling ako, pag may kasalanan ako o pag nasasaktan ako,
Dahil ganun, inakala ko na alam din ng tatay ko ang lahat ng gusto kong sabhin sa kanya
Sa simpleng kilos, sa simple lambing, pinagpalagay ko na
naintindihan niya ang lahat ng nais kong sabihin:
"Salamat." "Ingat." "Mahal kita."
Ngayon ang tanong ko, narinig kaya ako ng papa ko?
Ang tatay kong superhero,
Hindi nagkakamali, hindi nasasaktan, hindi nagkakasakit,
Lagi lang siyang nandyan at nakamasid
Naghihintay kung kelan ako magkakamali o madadapang muli,
Tapos, tatawanan ako, papayuhan, papagpagan, saka pagagalingin ang sugat
Pero kahit pala dito ay mali ako,
Dahil ang tatay ko ay pwede din palang maglaho
Sa isang iglap, isang segundo, isang maling ikot ng mundo,
Bumaliktad ang buhay ko, lahat ng paniniwala ko'y naging abo
Pero, hindi man siya naging perpekto,
At ngunit kahit sa mga bagay na inakala kong tama'y ako'y nagkamali,
Ang mga tama ko nama'y hindi ko maitatanggi
Tama na hindi mawawala ang mga ala-ala naming nakaukit na sa pagkatao ko
Tama na ako ang karugtong ng kanyang laman at dugo, ng mga hilig at pangarap niya,
Ang ebidensya na naglakbay siya sa mundong ito
Ang saksi sa walang kapantay niyang pagmamahal,
Sa umaapaw niyang pasensya, at kung paano niya kami pinaligaya
Ang mga kwento at kaalamang binahagi niya
Ang lahat ng ito, at higit-higit pa ay di mawawala sa puso ko
Dadalhin ko ito habang ako'y naghihintay at nananabik sa muling pagkikita namin ng papa ko
No comments:
Post a Comment