Hindi ito tula, ngunit isang liham,
Isang bagsak na lang, walang paligoy-ligoy
Sana ito na ang ikatatahimik ko,
Huling-huling sa mga sulat para kay Anima
na hindi ko man lang masambit ang totoong pangalan
Nasaan ka na nga ba?
Sa North Pole? South Pole?
O baka naman sa hotspring na?
Ako, hindi ko din alam kung nasaan na ko,
Basta ang alam ko, malayo pa ko sa dulo
Ata.
Sa maikling mga buwan na nagdaan,
At sa mga nakatagong buwan na natapos nang hindi mo alam,
Marami-rami na din naman ang aking natutunan
Nalaman ko na may kaparehas pa din pala ako sa mundong ibabaw,
Na nakakasabay din naman sa trip ng utak kong, maski ako minsan ay naililigaw
Makakakilala pa pala ako ng taong nakakaintindi sa mga pahinang nakabaliktad
At napatunayan ko na mahal ko talaga ang musika,
at nakaka-adik pala talaga si Regina
Nalaman ko na masaya kang kausap,
Malaki ang pamilyang nagsisiksikan sa bahay niyo,
at marami na ang nagdaan sa inyong aso
Pero kahit masaya makipagusap sayo,
Nalaman ko din na hindi ako marunong magsalita sa harap mo
Nalaman ko na hindi lang ako ang nag-iisang nangangailangan ng swimming lessons,
Nalaman ko din na hindi mo naman talaga kailangan ng swimming lessons
dahil hindi ka naman kumakain ng sea foods
Nalaman kong magaling kang maghawak at magbigay ng mahjong tiles
Nalaman ko ding takot ka sa bubuyog at insekto, pero hindi sa reptiles
At dahil doon, gusto talaga kitang regaluhan ng gagambang nakatago sa loob ng matchbox
Nalaman ko na hindi ka sanay gumamit ng panyo,
May maliliit na buhok ka sa tenga, at ang lasa ng mais sayo ay "Okay lang"
Napansin ko din na minsan ay hambog ka talaga at may kakornihan
Pero minsan din naman malambing ka at pa-gentleman
Nalaman ko na mas komportable akong matulog sa balikat mo kesa sa kama ko
Nalaman kong masarap matulog habang nakikinig sa kanta mong sintunado
Pero ibang usapan na yun, dahil mukhang hindi na ata ulit mauulit yun
Nalaman ko na nanginginig din pala ang kamay mo pag kinakabahan ka,
Nalaman ko na nakakatakot palang hawakan ang kamay mo,
dahil baka hindi ko na magawang bitawan yon
Nalaman ko na natutuwa ako pag nakikita kang seryoso at nakanganga,
At namumula ka pa din pala pag kinikilig ka
Nalaman kong hindi ko kayang magalit sa'yo kahit na gustuhin ko,
Tapos nalaman kong mas matigas pala talaga ang ulo ko kesa sa pader ng ng aming banyo
Sa kakapiranggot ng mga nalaman kong 'to,
Isang damakmak pa ang hindi ko alam tungkol sa'yo
At kahit na gustuhin ko pang malaman ang lahat ng yon,
Sa huli, kung susundan ko din lang naman ang dulo, isa't isa pa rin ang tinuturo
Nalaman ko na mahirap lumaban
Na kahit na anong gawin ko, susundan at susundan ka pa rin ng mga paa ko,
Hahabulin ka pa rin ng tingin ng mga mata ko,
At pilit pa ring papakinggan ng tenga ko ang boses mo, kahit sa malayo
Higit sa lahat, nalaman ko na mahirap pag malungkot ka,
Nakakabadtrip pag hindi tayo makatawa gaya ng dati
Pero paano nga ba bumalik sa dati?
Hindi ko alam, pero,
Ayaw kong mawala kung anuman ang natitirang pinanghahawakan ko sa ating dalawa
Dahil sa totoo lang, kung pipili na lang din naman ako ng best friend, ikaw na yun syempre
Kaya,
Maging masaya ka lang,
Okay lang ako, okay lang sila,
Kahit na minsan nag-iinarte ako, ganun talaga, kaya ko naman yata yun
Pag hindi, kakayanin ko,
Naniniwala ako sa'yo, papanoorin kita,
Tawagin mo ko pag may problema,
Tutulungan naman kita,
Pagpasensyahan mo na lang ako kung minsan,
hindi ko mapigilan 'tong mga nararamdaman
Teka.
Parang magulo nanaman ata ako,
Hindi ko din kasi alam kung anong gagawin ko,
Tatayo na lang muna siguro ako dito,
Kahit naman kasi pilitin ko, hindi rin kaya gumalaw ng mga paa ko
Maghihintay na lang ako sa kung anumang dadating sa harap ko
Basta, ang ibig ko atang sabihin, kung saan ka masaya, doon na din ako,
Kahit na walang tayo, kahit na hindi ako ang pinili mo,
Kahit hanggang ilusyon lang ako, kahit na masakit
Kung hindi ako, ano bang magagawa ko?
Basta sabihan mo lang ako,
Basta okay ka na, masaya ka na, at alam kong hindi ka masasaktan,
Pipilitin ko na ding maging ayos dun
Ayaw ko din namang maging masaya kung alam kong may ibang nalulungkot
Sa katapusan ng katangahang sinulat ko ngayon,
Kasama ang hiling na sana maging patag na ang mga bagay na nagkalukot-lukot
Balak ko ding burahin 'to pagkabasa mo
No comments:
Post a Comment